-- ADVERTISEMENT --

Umabot sa mahigit ₱1 trilyon ang mga kuwestiyonableng budget insertions sa bersiyon ng panukalang ₱7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027 na inaprubahan ng House of Representatives, ayon sa isang budget watchdog.

Ayon kay Kenneth Isaiah Abante ng People’s Budget Coalition, kabilang dito ang nasa 7,000 proyektong pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng ₱190 bilyon, gayundin ang karagdagang ₱43 bilyon para sa mga multipurpose building ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nadagdagan din ng tig-₱24 bilyon ang pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), habang naglaan ng ₱10 bilyon para sa tulong sa mga magsasaka at mangingisda.

Gayunman, kinuwestiyon ng grupo ang mga dagdag na alokasyon dahil kasabay nito ang pagbabawas ng pondo para sa ilang mahahalagang proyekto, kabilang ang Metro Manila Subway, North-South Commuter Rail, at mga programang pang-imprastraktura at disaster risk reduction.

Kabilang sa pinakamalaking bawas ang ₱7.75 bilyon sa pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

-- ADVERTISEMENT --