NUMANCIA, Aklan — Patay ang 58-anyos na lalaking motorcycle rider samantalang sugatan naman ang 37-anyos na driver ng tricycle at tatlong iba pang kasama nito na pawang mga babae, matapos ang aksidenteng banggaan ng kanilang sasakyan sa national highway na sakop ng Brgy. Laguinbanua West, Numancia bandang alas-8:10 ng gabi ng Miyerkules, Oktubre 14, 2026.
Ayon sa pulisya, ang driver ng motorsiklo ay residente ng Brgy. Laguinbanua East, Numancia, samantalang ang driver naman ng tricycle at mga sakay nito ay pawang mga residente ng Brgy. Andagao, Kalibo.
Nabatid na ang dalawang sasakyan ay parehong bumibiyahe sa national road sa nabanggit na lugar.
Papuntang Numancia ang direksyon ng motorsiklo mula sa Kalibo samantalang papunta naman sa kabilang direksyon ang tricycle.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, nagbanggaan ang dalawang sasakyan sa half-lane na kalsada sa nagpapatuloy na road construction sa lugar.
Dahil dito, pare-parehong nagtamo ng severe injury ang tatlo sa mga biktima na agad na isinugod sa ospital.
Gayunman, ang driver ng motorsiklo ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doctor sa Aklan Provincial Hospital habang patuloy na naka-confine sa isang pribadong ospital ang driver ng tricycle at isang pasahero nito.












