HEALTH News – Tumaas ang kaso ng leptospirosis sa Quezon City, na umabot sa 103 ang naitalang kaso at 20 ang nasawi hanggang Hulyo 15, ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD). Mas mataas ito ng 37% sa kaso at 67% sa bilang ng namatay kumpara noong nakaraang taon.
Pinakahuling nasawi ay isang 71-anyos na lalaki mula Barangay Bagong Silangan. Mula Hulyo 6 hanggang 12, naitala ang 17 bagong kaso at limang pagkasawi kasabay ng malakas na ulan dulot ng Tropical Depression Bising.
District 2 ang may pinakamaraming kaso na umabot sa 32, kung saan 12 ay mula sa Barangay Commonwealth, kabilang ang apat na nasawi.
Ayon sa QCESD, 49 sa mga kumpirmadong kaso ay may exposure sa baha — pangunahing paraan ng pagkalat ng bacteria na Leptospira.
Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga residente na umiwas sa baha, magsuot ng proteksyon gaya ng bota, at agad magpakonsulta sa health center kung na-expose sa maruming tubig.