-- ADVERTISEMENT --
 

Ipinahayag ng ACT Teachers party-list na hindi pa rin sapat ang panukalang badyet ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2026.

Mula sa kasalukuyang P734.187 bilyon na inilaan sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act, iminungkahi sa 2026 National Expenditure Program ang P872.887 bilyon para sa DepEd — katumbas ng 18.89% na pagtaas.

Sa kabila ng pagtaas, nanindigan ang grupo na kulang pa rin ang pondo upang matugunan ang aktwal na pangangailangan sa sektor ng edukasyon.

Binatikos din ng ACT Teachers ang mababang target ng gobyerno sa pagpapatayo ng mga silid-aralan. Ayon sa plano para sa 2026, nasa 4,869 classrooms lamang ang ipatatayo, habang nasa 165,000 ang kinikilalang backlog ng DepEd.

Noong nakaraang linggo, isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang P6.793 trilyong pambansang badyet para sa 2026. Nakatakdang simulan ng Kongreso ang mga pagdinig ukol dito sa Agosto 18.

-- ADVERTISEMENT --