Posibleng bawasan ang panukalang PHP800 bilyong budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026 kung mapatutunayang may naganap na overpricing sa ilang proyekto, ayon kay Senate Committee on Finance Chairperson Senator Sherwin Gatchalian.
Sa isang forum sa Senado, sinabi ni Gatchalian na kasalukuyang sinusuri ng Senado ang budget ng DPWH nang detalyado. Isa sa mga ikinokonsiderang hakbang ay ang pagpapatupad ng across-the-board budget cut na maaaring umabot mula 10% hanggang 20%, depende sa resulta ng imbestigasyon.
Ipinunto ng senador na ang anumang matitipid mula sa naturang pagbabawas ay hindi ililipat sa ibang ahensya, kundi direktang magreresulta sa pagbawas ng kabuuang pambansang pondo para sa 2026. Layunin umano nitong mapababa ang utang ng bansa at ang budget deficit.
Ang masusing pagsusuri sa budget ng DPWH ay kasunod ng ulat ng Independent Commission for Infrastructure na may mga proyektong posibleng may labis na presyo, dahilan upang tutukan ng Senado ang paggasta ng ahensya para sa susunod na taon.