KALIBO, Aklan — Pormal nang nagsimula ang mga laro sa ika-27th Philippine University Games o UniGames 2026 sa lalawigan ng Aklan na sinalihan ng nasa 41 mga unibersidad at kolehiyo na kinabibilangan ng mahigit 1,500 student-athletes mula sa rehiyon ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Una rito, pinangunahan nina Philippine University Games Chairman Brother Felipe C. Belleza, UniGames President Roger Banzuela at Board of Trustees, ang pormal na pagbubukas ng nasabing national sporting event na co-host ang Provincial Government ng Aklan, bayan ng Kalibo, Makato, Tangalan, at Ibajay, gayundin ang host school na Aklan Catholic College (ACC).
Sa panayam ng Bombo Radyo, ikinatuwa ni Aklan Governor Jose Enrique Miraflores ang pagkonsidera sa lalawigan na maghost ng 27th UniGames kung saan, hindi siya nagdalawang isip na tanggapin ito.
Kilala aniya ang mga Aklanon na mahilig sa iba’t ibang sports kung kaya’t lubos nitong ikinatuwa ang unang pagkakataon na nabigyan ng task ang Aklan na maghost ng nationwide sporting events na magtatagal hanggang sa Oktobre 30, 2026.
Kaugnay nito, tiniyak ng gobernador ang kaligtasan ng mga student-athletes, coaches, at iba pang delegado sa kanilang pansamantalang pamamalagi sa Aklan.
Samantala, kabilang sa mga kompetisyon ang athletics, badminton, basketball, football, futsal, table tennis, taekwondo, volleyball at beach volleyball.













