KALIBO, Aklan — Naaresto ng Kalibo Municipal Police Station ang tatlong suspek sa pagnanakaw ng isang inahing manok na nakatali sa labas ng bahay ng may-ari, dakong alas-5:00 ng umaga ng Lunes, Hulyo 14 sa Sampaguita Road Brgy. Andagao, Kalibo, Aklan.
Ayon kay P/Lt. Arnold Tejada, head ng investigation section ng Kalibo MPS na naaresto ang tatlong lalaki na kinilala kina alyas Randy, residente ng naturang lugar gayundin sina alyas Raffy at alyas Wil, kapwa sa legal na edad at residente naman ng Batan, Aklan.
Napag-alaman na dati nang may record sa barangay ang kumuha mismo ng manok na si alyas Randy.
Base sa pahayag ng may-ari ng manok, napansin umano ng kanyang asawa na pabalik-balik ang mga suspek malapit sa nakatali nilang manok hanggang bigla na lamang itong nawala dahilan na dumulog sila sa pulisya.
Sa pag-review sa CCTV footage malapit sa lugar, nakilala ang mga suspek at naaresto sa isinagawang follow-up investigation.
Tinangka pa umano ni alyas Wil na ibenta ang manok sa halagang P400.
Na-inquest na ang mga suspek at nahaharap sa kasong theft.