TANGALAN, Aklan — Kalaboso ang isang 45-anyos na ginang matapos mahulihan ng mga pekeng pera sa Brgy. Poblacion, Tangalan, Aklan, hapon ng Huwebes, Oktubre 15, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na Erlinda at residente ng Lemery, Iloilo.
Ayon sa Tangalan Municipal Police Station, inaresto ang suspek matapos bumili ng talong na nagkakahalaga ng P105 at kalamansi na P10 sa isang tindera sa public market ng naturang bayan gamit ang pekeng P1,000.
Nang mapansin ng tindera na peke ang binayad na pera at sinuri gamit ang money detector ay hinawakan nito ang suspek at tumawag ng mga auxiliary police na nasa lugar.
Nakuha sa suspek ang isang bag na naglalaman ng mga hinihinalang P500 at P100 pekeng bills.
Iginiit ng babae na hindi niya alam na peke ang perang ginamit niya sa pagbabayad.
Samantala, hindi naman nadakip ang lalaking driver ng motorsiklo na kanyang kasabwat na tinukoy ng suspek bilang kaniyang kinakasama.
Sa paunang salaysay ng suspek, nagmula umano siya sa bus at naglakad patungo sa tindahan. Gayunman, nang suriin ang kuha ng CCTV, nakita umanong angkas siya sa isang motorsiklo at doon mismo bumaba sa tapat ng tindahan.
Hindi rin niya sinabi kung kanino niya nakuha ang mga pekeng pera.
Ikinulong na sa Tangalan Municipal Police Station ang suspek at nahaharap sa reklamong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes.
Sa pagberipika ng mga tauhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas na pumunta sa himpilan ng pulisya, nakumpirmang peke ang mga narekober na pera.













