-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ng isang 4th year college student leader, SK Chairman, may-ari ng isang lokal na clothing brand, at may-akda ng isang internationally published na libro ang kanyang karanasan sa mga responsibilidad na kanyang hinaharap.

Ayon kay Erika Tabiolo, sa kabila ng maraming responsibilidad, masaya siya na nakamit niya ang mga tagumpay na tinatamasa niya ngayon sa kanyang buhay.

Bilang isang Business Management student, matagumpay niyang naitayo ang sarili niyang clothing brand na magagamit din umano niya para sa kanyang pag-aaral.

Bukod pa rito, nahalal din siya bilang Sangguniang Kabataan Chairman ng kanilang barangay, kung saan layunin niyang ipakita ang maayos na pamumuno sa lokal na pamahalaan at mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan sa kanilang barangay na maipahayag ang kani-kanilang mga ideya sa iba’t ibang larangan.

Dagdag pa rito, isa rin siyang student leader at kasapi ng kanilang University Publication.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa kanyang hilig sa pagsusulat, nakabuo rin siya ng sarili niyang mga kuwento na naging daan upang makalikha ng libro sa tulong ng isang kapwa manunulat na nagbigay ng inspirasyon sa kanya.

Ayon pa sa kanya, time management ang pangunahing susi upang magawa ang lahat ng ito, kaya unti-unti na rin niyang nakakamit ang kanyang mga pangarap sa buhay.

Plano rin niyang ipagpatuloy ang mga nasimulan niya, sa negosyo man o sa pagiging manunulat.

Ang kanyang mensahe para sa mga nais ding makamit ang kanilang mga pangarap sa buhay: Sa araw-araw na pamumuhay, dapat tanggapin ang mga oportunidad at maging produktibo sa bawat araw.