MAKATO, Aklan — Inihayag ni Police Captain Vincent Mercader, OIC ng Makato Municipal Police Station, na nakahanda na ang kapulisan para sa pagpapatupad ng seguridad sa opening salvo ng Ati-Atihan Festival 2027 sa bayan ng Makato sa Nobyembre 27, 2026.
Ayon kay Mercader, kabuuang 86 na security personnel at force multipliers ang ipapakalat para sa nasabing aktibidad. Kabilang dito ang 23 organic PNP personnel, 30 pulis mula sa Aklan Police Provincial Office, 16 Municipal Auxiliary Police at 17 barangay tanod.
Pangunahing tututukan ng mga awtoridad ang police visibility, crowd control at traffic management, partikular sa parade route sa kanilang public plaza. Inaasahang dadaluhan ang aktibidad ng mahigit 75 tribo at maraming bisita.
Magpapatupad din ng traffic rerouting sa mga lugar ng Poblacion at Dumga. Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko.
Samantala, nilinaw ni Mercader na pinapayagan ang mga menor de edad na dumalo sa opening ceremony kahit may umiiral na curfew, basta’t may kasamang nakatatanda.
Ipinagbabawal din ang pagdadala ng bottled water habang isinasagawa ang sadsad.
Hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at sumunod sa mga alituntunin upang matiyak ang maayos, ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Ati-Atihan Festival 2027. Via Bombo Cherry Mae Ilavera













