-- ADVERTISEMENT --

Ikinokonsidera ng gobyerno ang posibilidad ng pagbaba ng excise tax sa produktong petrolyo bilang tugon sa inaasahang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa tumitinding tensyon sa Middle East.

Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, mas mainam ang hakbang na ito kaysa sa patuloy na pagbibigay ng subsidiya. Aniya, pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga “trigger points” upang mapanatiling kontrolado ang inflation.

Nagbabala ang mga eksperto na maaaring tumaas ng hanggang ₱5 kada litro ang presyo ng gasolina sa linggong ito matapos bombahin ng Estados Unidos ang tatlong nuclear site sa Iran. Dahil dito, iminungkahi ng mga ekonomista na mas praktikal ang pagbaba ng buwis kaysa sa pagbibigay ng direktang ayuda. Sa ilalim ng TRAIN Law, ang excise tax sa petrolyo ay kasalukuyang nasa ₱3 hanggang ₱10 kada litro.

Bagama’t bumaba ang inflation sa 1.3% noong Mayo, nananatili ang panganib ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, lalo na kung maaapektuhan ang Strait of Hormuz, ang pangunahing ruta ng langis patungo sa Asya.