-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tatlo hanggang apat na testigo ang nasa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice para sa nakatakdang pagtestigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague.

Ayon kay Remulla, posibleng madagdagan ang bilang ng mga testigo sa hinaharap, at tiniyak niya ang kanilang kaligtasan at seguridad. Nilinaw naman niyang hindi sasagutin ng gobyerno ang gastos sa kanilang pagpunta sa The Hague.

Sinabi rin ni Remulla na bagamat nakipag-ugnayan ang ICC sa WPP, walang opisyal na dokumento ang natanggap mula sa ICC. Nanindigan ang pamahalaan na hindi miyembro ng ICC ang Pilipinas, at ginagamit nito ang Republic Act No. 9851 sa pagtugon sa mga kasong may kaugnayan sa international humanitarian law.

Ipinaliwanag din ni Remulla na ang kahirapan sa pagpapatunay ng kaso sa lokal na hukuman ang dahilan kung bakit ipinaubaya ang mga ito sa ICC.