Ibinunyag ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque na isang organisasyon ang tumutulong sa kaniyang aplikasyon para sa asylum sa Netherlands. Sa pamamagitan ng isang video message, sinabi ni Roque na nakipagpulong siya kasama ang kaniyang abogado upang tipunin ang mga ebidensiyang magpapatibay sa kaniyang kaso, kabilang ang isang non-bailable case na isinampa laban sa kaniya, na kaniyang tinukoy bilang pangunahing ebidensiya ng political persecution.
Dagdag pa ni Roque, itinuturing niya ang sarili bilang “pinakatanyag” na asylum applicant at binigyang-diin ang pangangailangang maging handa sa proseso. Sinabi rin niyang hindi niya mapapatawad ang pamilya Marcos sa napipilitan niyang sitwasyon.
Samantala, naglabas ang Angeles City Regional Trial Court ng arrest warrant laban kay Roque at iba pang indibidwal kaugnay ng umano’y iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pampanga. Mariing itinanggi ni Roque ang mga paratang at iginiit ang kaniyang inosensiya.