-- ADVERTISEMENT --

HEALTH News — Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na mag-ingat laban sa WILD (water-borne diseases, influenza-like illness, leptospirosis, at dengue) ngayong tag-ulan.

Ayon kay DOH spokesperson Albert Domingo, dapat pakuluan ang inuming tubig nang dalawang minuto upang maiwasan ang water-borne diseases tulad ng diarrhea. Iminungkahi rin niya ang madalas na paghuhugas ng kamay at pananatili sa bahay kung may sintomas ng ubo o lagnat upang maiwasan ang influenza-like illness.

Pinaalalahanan din niya ang mga nakaranas ng pagbaha na magpakonsulta agad sa health center kahit walang sugat upang maiwasan ang leptospirosis, na maaaring magdulot ng malubhang komplikasyon tulad ng dialysis o ICU care.

Para naman sa dengue, binigyang-diin ang kahalagahan ng paglilinis ng kapaligiran gamit ang “taob, taktak, tuyo, at takip” upang masugpo ang pagdami ng lamok.