-- ADVERTISEMENT --

NUMANCIA, Aklan — Nakakulong na ngayon at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang dating miyembro ng Kalibo Auxiliary Police (KAP) matapos maaktuhang nagbebenta ng droga sa nagpanggap na buyer sa Brgy. Bulwang, Numancia, gabi ng Martes, Hulyo 1, 2025.

Ayon kay P/Major Jerome Manahan, Head ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU)-Aklan, halos dalawang linggo rin nilang isinailalim sa surveillance ang target na si Alyas “Ongs”, 47 anyos, walang asawa, miyembro ng LGBTQIA+ community,  tubong Brgy. Albasan, Numancia at pansamantalang naninirahan sa C.Laserna St. Poblacion, Kalibo bago ikinasa ang buy-bust operation.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya,  nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pagbebenta ng shabu ng nasabing suspek kaya’t nagsagawa ng buy-bust operation.

Sa isinagawang transaksyon, naipasa ng suspek ang isang pirasong heat-sealed na sachet na may puting kristal na substansya, na pinaniniwalaang shabu sa poseur-buyer, kapalit ng P2,000 na buy-bust money.

Agad hinuli ang suspek matapos maganap ang bentahan.

Sa isinagawang frisking, nakumpiska mula sa suspek ang karagdagang apat na heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, 6 na empty sachets na may residue ng pinaghihinalaang droga  at ang P2,000 na ginamit bilang buy-bust money.

Samantala, sinabi ni Major Manahan na ang lahat ng mga droga na ibibibenta sa Aklan ay mula sa labas ng probinsiya.

Sa kabilang daku, kinumpirma ni Kagawad Kim Melgarejo ng Brgy. Poblacion, Kalibo na dating KAP member si Alyas “Ongs”, ngunit hindi ni-renew ang kanyang kontrata simula nang umupo sa pwesto si Kalibo Mayor Juris Sucro dahil sa involment nito sa pagtutulak ng droga.

Aminado naman ang suspek sa nagawang krimen na ayon sa kanya ay panggamit niya lang ang mga ito.

Dagdag pa ni Kagawad Melgarejo na ang  matagumpay na operasyon ay bunga ng maayos na pagpapatupad ng Numancia Municipal Police Station,  PDEU-Aklan at PDEA  sa kampanya kontra ilegal na droga at lahat ng uri ng kriminalidad upang tuluyang masugpo ang ipinagbabawal na droga, tungo sa maunlad na bansa.