KALIBO, Aklan — Sampu agad na panukala ang naihain ni Aklan 1st district Congressman Jess Marquez sa unang araw ng paghahain ng legislative proposals para sa 20th Congress sa Kamara, araw ng Lunes, Hunyo 30.
Ayon sa kanya, isa dito ang pet bill ng kanyang amang si dating Congressman Carlito Marquez na “Waste Treatment Technology Act,” inihain noon pang 17th Congress na inaasahang magiging solusyon sa gabundok na basura sa bansa.
Matapos maipasa sa Senado ay hindi umano ito gumalaw sa komite dahilan na muli niyang ni-refile.
Aniya, malaki ang kanyang paniniwala na mahalaga at napapanahon ang naturang panukala upang mabigyang solusyon ang problema sa basura sa buong bansa.
Ilan pa sa kanyang inihaing panukalang batas ay ang conversion ng lahat ng mga capital town sa buong bansa na maging siyudad katulad ng bayan ng Kalibo.
Kasama rin dito ang pagpapangalan sa Aklan east road simula Banga hanggang Altavas bilang “Cong. Allen S. Quimpo national highway”, gayundin ang deklarasyon sa Bakhawan Eco-park sa Brgy. New Buswang, Kalibo bilang eco-tourism zone.
Itinutulak rin niya ang pagpapatatayo ng TESDA-Aklan Piña Training and Assessment Center na naglalayong mabigyang pansin ang piña weaving sa Aklan na isang UNESCO heritage.
Naghain din siya ng panukala ukol sa Mandatory Position of an Environment Natural Resources Management Office sa mga lokal na gobyerno; Mandatory Creation of Position of a Tourism Officer sa mga munisipyo; National Metrology Institute of the Philippines na naglalayong magkaroon ng standard na sistema ng panunukat sa bansa; Science for Change upang mabigyang halaga ang malawakang research para sa Siyensiya at ang Creation ng Philippine Science Institute.
Ipinangako rin ni Cong. Marquez na tuloy-tuloy ang kanilang pagtatrabaho para sa ikauunlad hindi lamang ng Aklan kundi ng buong bansa.