-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—Nakaabang na ang lahat ng grupo na naghain ng reklamo laban kay Vice President Sara Duterte sa nakatakdang pagsisimula ng 20th Congress kung ito ba ay pagbobotohan upang maipagpatuloy ang impeachment trial o tuluyang idissmiss ang kaso.

Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan o Bayan president Renato Reyes na isa rin sa mga complainant na babantayan nila ang proseso dahil sa nakakadismayang delaying tactics ng Senado sa nakaraang 19th Congress.

Kailangan aniyang harapin ng Pangalawang Pangulo ang impeachment trial, kasunod ng pahayag ng ilang kaalyado nito sa Senado na nagbabalak maghain ng resolusyon upang idismis ang kaso kahit walang paglilitis.

Dagdag pa ni Reyes, hindi dapat payagan ng taumbayan na idismis ang kaso nang walang due process at kailangan na managot ang bise presidente sa mga pinaggagawa nito sa taumbayan lalo na’t malaking halaga ng pera ang kaniyang winaldas mula sa kaban ng bayan.

Hindi aniya maikakaila na may mga galamay parin ang mga Duterte sa Senado ngunit umaasa ang grupo na mangingibabaw parin ang justice system upang tuluyang mapatalsik si VP Sara.

-- ADVERTISEMENT --

Pinaalalahanan din nito ang mga magiging Senator judge na ang maagang pagbasura sa kaso ay magpapahina sa prinsipyo ng checks and balances kung kaya’t nararapat lamang na isulong ang paglilitis upang makita ang ebidensya at mapakinggan ang depensa ni Duterte, bilang bahagi ng pampublikong pananagutan.