-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Nakatakdang isailalim sa modernisasyon ang paliparan sa Aklan at Ilocos Sur matapos maglaan ng halos P150 milyon na pondo ang Department of Transportation (DOTr) para sa pagsaayos ng mga ito.

Ayon sa DOTr, P133.07 milyon ang inilaan para sa Kalibo International Airport Development Project na magsasaklaw sa pagpapaayos ng landside area ng paliparan.

Inatasan din ng ahensiya ang mananalo sa bidding na dapat matapos ang proyekto sa loob ng 210 working days.

Saklaw nito ang pagdevelop ng lupa na pagtatayuan ng mga bagong pasilidad ng paliparan.

Ang Kalibo Airport ay nagsisilbing nangungunang daanan papunta sa tanyag na isla ng Boracay.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, naglaan naman ang DOTr ng P10.62 milyon para sa pagkumpleto ng bakod at kanal ng Vigan Airport.

Ayon pa sa ahensiya, kailangan na matapos ng winning bidder ang perimeter fence na sasaklaw sa runway ng paliparan sa loob ng 90 working days.

Isasagawa ng DOTr ang pre-bid conference para sa dalawang proyekto sa darating na Hulyo 4.