Inihayag ng Malacañang na pag-aaralan muna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga panukalang batas laban sa political dynasty at ang absolute divorce bago magbigay ng pormal na posisyon.
Ito ay matapos muling ihain ang mga panukalang batas sa ika-20 Kongreso. Ayon sa Palasyo, nakadepende ang magiging tugon ng Pangulo sa nilalaman at probisyon ng mga panukala.
Para sa anti-political dynasty bill, binigyang-diin ng Palasyo ang pangangailangan ng balanse sa pagitan ng interes ng bayan at ng mga opisyal na nagnanais maglingkod. Samantala, wala pa ring malinaw na posisyon si Marcos sa divorce bill habang hinihintay ang buong detalye at posibleng suporta mula sa Simbahan.
Dagdag pa ng Palasyo, nais ng Pangulo na mas palakasin ang pagsasama ng mag-asawa at matulungan silang maresolba ang mga suliranin sa pamilya para sa kapakanan ng kanilang mga anak.