Tiniyak ni Sangguniang Bayan Member Godofredo Sadiasa na walang halong pamumulitika ang pagpapatigil sa pagkolekta ng basura sa Brgy. Gibon, Nabas.
Ayon sa kanya, batay sa panayam kay Mayor James Solanoy, inamin ng alkalde na may utos na pansamantalang itigil ang pagkolekta ng basura sa kanilang bayan.
Hindi umano direktang nabanggit ni Mayor Solanoy ang mga dahilan sa kanya dahil wala rin siyang buong detalye kung ano ang tunay na rason sa nasabing pagpapatigil.
Dagdag pa niya, sa mabilisang paliwanag na ibinigay sa kanila, wala pa umanong pormal na tapunan o daungan ng basura, hindi lamang sa Brgy. Gibon kundi maging sa iba pang barangay sa kanilang bayan.
Sa kanyang kaalaman, magpatawag ng pulong ang alkalde kasama ang lahat ng barangay captains upang pag-usapan ang nasabing isyu.
Kung susuriin, obligasyon din ito ng mga barangay dahil may requirement na Material Recovery Facility (MRF) ang bawat barangay, at ang mga residual waste lamang ang dapat na kinokolekta ng bayan.
Gayunpaman, batay sa kanyang karanasan noong siya ay nanilbihan sa bayan ng Malay, hindi lahat ng lokal na pamahalaan ay kayang magkaroon ng nasabing pasilidad dahil sa mataas na gastusin nito.
Naniniwala naman si SB Member Sadiasa na maaayos din ang isyung ito sa lalong madaling panahon.