Ipapatupad ng Land Transportation Office (LTO) ang “No Plate, No Travel” policy sa lahat ng mga sasakyang bumibiyahe sa mga kalsada.
Ayon kay Engr. Marlon Velez, supervising TRO chief ng LTO-Aklan, ipatutupad ng kanilang tanggapan ang nasabing polisiya batay sa direktiba ni Assistant Secretary Vigor Mendoza simula sa darating na Hulyo 12.
Layunin nito na madaling makilala ang mga operators o drivers sakaling masangkot sila sa iba’t ibang insidente o aksidente sa kalsada.
Dagdag pa niya, ang hakbang na ito ay upang matiyak na lahat ng mga sasakyan ay may kumpletong plaka.
Lahat ng motorsiklo at tricycle ay kinakailangang maglagay o magkabit ng plaka, habang ang ilang mga four-wheeled vehicles na magmumula pa sa ibang rehiyon ang mga plaka ay bibigyan ng authorization upang pansamantalang payagang gumamit ng improvised plates.
Ayon pa kay Engr. Velez, sa ngayon ay tuloy-tuloy ang kanilang distribusyon ng mga motorcycle plates at mahigpit ding ipinatutupad ang “No Plate, No Registration” policy.
Nanawagan din siya sa lahat ng may-ari ng iba’t ibang sasakyan na kunin na ang kanilang plaka sa kanilang opisina, at tiniyak na kanilang aasikasuhin pati ang mga hindi pa naiyuhan ng plaka.