BALETE, Aklan—Sinampahan ng kaso at isinailalim sa inquest proceeding ang driver ng tricycle na nakabangga sa isang motorsiklo na naging dahilan ng agarang pagkasawi ng 27 anyos na rider at sugatan naman ang limang taong batang babae na kaniyang stepdaughter, dakong alas-7:00, umaga ng Linggo, Hulyo 6, 2025 na nangyari malapit sa gasoline station sa Barangay Feliciano, Balete, Aklan.
Ayon kay P/Capt. Donnie Magbanua, hepe ng Balete Municipal Police Station na kasong reckless imprudence resulting to homicide, damage to property and physical injuries ang isinampang kaso laban sa driver.
Kasalukuyan siyang nakapiit sa detention facility ng himpilan ng pulisya ngunit may balak ang driver na maglagak ng piyansa para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
Tinatayang nasa P80,000 ang itinakdang piyansa ng korte, ngunit maaari pa itong mapababa matapos na planong mag-file ng driver ng indigency.
Nabatid na dead on arrival ang driver ng motorsiklo sa Aklan provincial hospital dahil sa matinding sugat na natamo sa ulo habang nasa kritikal na kondisyon naman ang stepdaughter nito na nirekomendang dalhin na lamang sa lungsod ng Iloilo para sa kaukulang medikasyon.
Base sa report, nagmamadali rin ang driver at mga sakay ng nakabanggaan na tricycle na susundo sana ng kanilang ama sa Barangay Aranas, Balete na hinahanap ng kaniyang anak na kritikal din sa ospital.
Aminado ang tricycle driver na mabilis ang kaniyang pagpapatakbo dahil sa hinahabol din nila ang oras at hindi kaagad napansin ang papalikong motorsiklo sa gasolinahan sa nasabing barangay.
Isa sa mga pasahero ng tricycle ay nagtamo rin ng sugat sa no-o dulot ng aksidente.