-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan–Tuloy-tuloy ang pagpasasagawa ng operasyon ng Social Security System (SSS) Aklan branch laban sa mga employer na hindi nagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado at iba pang mga paglabag sa ilalim ng programang Run After Contribution Evaders (RACE) campaign ng ahensya.

Ayon kay Rey Mark Casaquite, corporate executive officer ng SSS-Aklan na sa ikinasang operasyon kamakailan lamang sa 12 mga establisyimento na karamihan ay nasa bagong bukas na mall, personal nilang ibinigay ang mga sulat o notice of violation ukol sa non-registration at  non-remittance .

Dagdag pa ni Casaquite na layunin ng programa na hikayatin ang mga employer na tuparin ang kanilang tungkulin sa ilalim ng batas upang maprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa sa mga benepisyo gaya ng retirement, pagkaroon ng sakit, kapansanan, at kamatayan.

Hindi aniya nila layunin na bigyang parusa ang mga employer kundi gabayan lamang ang mga ito upang maayos ang kanilang mga record at maiwasan ang mas mabigat na parusa.

Sa nasabing operasyon,  11 sa mga employer sa isang mall ang natuklasan na hindi parin rehistrado sa SSS kung kaya’t hindi pa naparehistro ang kanilang mga workers at ang isang establisyimento sa bahagi ng Barangay Nalook, Kalibo ay nabigong maka-remit.

-- ADVERTISEMENT --

Batay aniya sa patakaran ng SSS, ang mga employer na makatanggap ng notice of violation ay may 15 araw ang mga ito upang makasunod sa kinakailangang requirements kabilang ang pagparehistro ng kompanya at mga empleyado, pag-report ng kontribusyon, at pag-remit ng bayad.

Sakali aniyang hindi makasunod, posibleng mahaharap sa legal na aksyon o multang alinsunod sa Social Security Law .

Panawagan pa ng SSS sa mga employer sa buong Aklan kabilang na dito ang isla ng Boracay na kaagad makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang maiwasan ang anumang legal na aberya at matiyak na ligtas at protektado ang kinabukasan ng kanilang mga manggagawa.