RED SEA — Anim na tripulante mula sa barkong Eternity C, na may bandilang Liberian, ang nailigtas matapos ang isang pag-atake na inako ng rebeldeng grupong Houthi mula Yemen.
Ayon sa European Union naval force, hindi bababa sa apat ang nasawi at 15 ang nawawala sa 25 kataong sakay ng barko.
Inatake ang Eternity C gamit ang drone boat at mga misile nitong Lunes.
Inako ng Houthis ang pag-atake bilang suporta sa Gaza, at iginiit na layon nilang pigilan ang paglalayag ng mga barkong may koneksyon sa Israel.
Ayon sa Operation Aspides ng EU, limang Pilipino at isang Indian national ang nailigtas.
Sinabi rin ng UK Maritime Trade Operations na nawalan ng propulsion ang barko at kalauna’y lumubog malapit sa lungsod ng Hodeidah.
Ito na ang pangalawang pag-atake ng Houthis sa loob ng dalawang araw, matapos nilang pabagsakin ang barkong Magic Seas.
Target umano nila ang mga barkong konektado sa Israel bilang protesta sa patuloy na opensiba ng Israel sa Gaza.
Ayon sa Estados Unidos, ang mga pag-atakeng ito ay patunay ng banta ng mga Iran-backed Houthi rebels sa kaligtasan ng kalakalan sa rehiyon.
Bagama’t may kasunduan noong Mayo para itigil ang Houthi attacks laban sa mga barkong Amerikano, hindi nito sinasaklaw ang mga barkong may ugnayan sa Israel.