Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na ilan sa mga butong narekober mula sa Taal Lake ay mula sa tao. Ayon kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, ang mga labi ay kasalukuyang sumasailalim sa forensic examination sa Camp Crame, habang ilan ay ipinadala na rin sa Regional Crime Laboratory Office sa Calabarzon upang mapabilis ang proseso.
Nagsasagawa na rin ng DNA cross-matching sa mga natagpuang buto gamit ang mga sample mula sa 12 pamilya ng mga nawawalang sabungero. Ayon sa PNP, magiging mahalagang tagumpay sa kaso ang anumang positibong DNA match na makatutulong sa pagbibigay-linaw at hustisya sa mga apektadong pamilya.
Sa kasalukuyan, 34 kaso kaugnay ng mga nawawalang sabungero ang iniimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Gayunman, ayon sa whistleblower na si Julie Patidongan alyas “Totoy,” posibleng higit sa 100 ang totoong bilang ng mga biktima.
Pinag-aaralan din ng mga awtoridad ang posibleng pagkakasangkot ng isang pulis sa fish farm kung saan narekober ang ilan sa mga buto. Patuloy pa ang beripikasyon sa impormasyong ito.
Nanawagan ang PNP sa publiko na hintayin ang resulta ng imbestigasyon at umiwas sa mga haka-haka habang nagpapatuloy ang proseso.