-- ADVERTISEMENT --

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang P6.793 trilyong pambansang budget para sa 2026, ayon sa Malacañang nitong Hulyo 15. Mas mataas ito kumpara sa P6.352 trilyon na inaprubahan para sa 2025.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ang National Expenditure Program (NEP) para sa 2026 ay tututok sa kapakanan ng mamamayan, paglikha ng trabaho, kapayapaan, at kaunlaran. Mula sa orihinal na P10 trilyon na mungkahi, ibinaba ang halaga dahil sa limitadong fiscal space at layuning pababain ang budget deficit sa 4.3% ng GDP pagsapit ng 2028.

Batay sa alokasyon, P2.639 trilyon ang para sa operating expenses, P1.908 trilyon para sa sahod ng mga kawani, P1.296 trilyon sa imprastruktura, at P950 bilyon sa financial expenses. Sa kabuuan, P4.305 trilyon ang mapupunta sa mga ahensya ng pambansang gobyerno, P1.350 trilyon sa mga lokal na pamahalaan, at P188.3 bilyon sa mga GOCCs.

Inaasahang isusumite ng Pangulo ang panukalang badyet sa Kongreso sa loob ng 30 araw matapos ang kanyang State of the Nation Address (SONA).