Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ngayong Martes na mga labi ng tao ang natagpuan sa bahagi ng Taal Lake, sa patuloy na imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, mga tadyang ng tao ang narekober sa isinagawang operasyon ng Philippine Coast Guard sa lugar na itinuro ng isang testigong kilala sa alyas na “Totoy.” Apat na sako ang nakuha mula sa lawa — dalawa rito ay may laman na buhangin at pampabigat, habang ang dalawa ay naglalaman ng mga buto ng tao.
Binuksan din muli ng DOJ ang ilang mga kasong posibleng may kaugnayan, kabilang ang isang bangkay mula sa 2020 na hinihinalang biktima ng sapilitang pagkawala kaugnay ng e-sabong. Isa umanong ulat ng pagdukot sa isang babae sa Lipa, Batangas ang isa sa mga tinitingnang lead ng mga awtoridad.
Dahil dito, ipinag-utos ni Remulla ang muling paghuhukay ng ilang labi sa sementeryo sa Batangas, na maaaring makatulong sa paglutas ng kaso.