-Daan-daang pamilya sa ilang bayan sa lalawigan ng Aklan ang nasalanta ng pagbaha dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan dala ng Habagat na pinalakas ng Bagyong Crising.
Sa interview ng Bombo Radyo kay Jeffrey Jizmundo ng Aklan Provincial Disaster Risk Reduction Management Council, nasa 318 na pamilya ang kanilang naitalang apektado mula sa bayan ng Ibajay at Madalag matapos na pinasok ng tubig-baha ang kanilang mga bahay kung saan, inaasahan pa na madadagdagan ang nasabing bilang mula sa iba pang bayan sa lalawigan na hindi pa nakapagsumite ng kanilang status report.
Ayon pa kay Jizmundo, pinasok ang Balactasan Elementary School sa Barangay Balactasan sa bayan ng Madalag dahil malapit ito sa Timbaban river na connected din sa Aklan river kung saan, bigla na lamang tumaas ang tubig dulot ng malakas na pagbuhos ng ulan mula sa mga kalapit na bayan.
Maliban sa mga apektadong pamilya, hindi rin nakaligtas ang mga alagang hayop ng mga magsasaka gaya na lamang ng mga baka at kalabaw kung saan, pito ang naitalang nasawi na nagkakahalaga ng tinatayang nasa P320,000 pesos dahil sa pagkalunod.
Posibleng hindi aniya nakapaghanda ang mga magsasaka na tataas ang tubig-baha sa Aklan river kung kaya’t hindi nila kaagad nakuha ang kanilang mga alagang hayop na naging dahilan ng pagkalunod ng mga ito.
Sa kasalukuyan aniya ay nagpapatuloy ang kanilang monitoring sa lagay ng panahon lalo na sa mga dagdag na epekto nito sa lalawigan partikular sa mga low lying areas.
Nakaalerto rin ang mga responders ng iba’t ibang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office para sa mabilisang pagresponde partikular sa mga critical areas kasabay ng pagpapatupad ng pre-emptive evacuations sakaling magpatuloy ang epekto ng pananalasa ng masamang panahon.