-- ADVERTISEMENT --

HEALTH News — Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sakop ng kanilang benepisyo ang paggamot sa hand, foot, and mouth disease (HFMD), na may katumbas na tulong pinansyal na ₱18,135.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), umabot sa 7,598 ang kaso ng HFMD sa bansa mula Enero 1 hanggang Pebrero 22, 2025. Bagama’t karaniwang tinatamaan ang mga batang limang taong gulang pababa, maaari ring magkasakit ang mas matatandang bata at matatanda. Karaniwan itong gumagaling sa loob ng pito hanggang sampung araw, ngunit pinapayuhan ang publiko na kumonsulta agad sa doktor kung may malalalang sintomas tulad ng mataas na lagnat at hirap sa paghinga.

Pinaalalahanan din ang publiko na panatilihin ang kalinisan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit, kabilang ang regular na paghuhugas ng kamay, pag-iwas sa pakikisalamuha sa may sakit, at paglilinis ng mga gamit at laruan. Dapat ding manatili sa bahay ang mga batang may sintomas at hindi muna papasukin sa paaralan.

Hinihikayat ng PhilHealth ang publiko na bisitahin ang kanilang mga opisina, website, o social media pages para sa karagdagang impormasyon sa benepisyong ito at iba pang serbisyong pangkalusugan.