KALIBO, Aklan — Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Kalibo na 100 porsiyento nang tapos ang konstruksyon ng kauna-unahang pedestrian overpass na bahagi ng Mabini at Desposorio Maagma Sr. Streets, Kalibo, Aklan.
Ngunit, ayon kay Carla Suñer Doromal, Executive Assistant to the Office of the Municipal Mayor na may ilan pang finishing touches na ginagawa ang contractor bago tuluyang i-turn over ang proyekto sa LGU-Kalibo at maari nang magamit ng publiko.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P13 milyon na pinondohan sa ilalim ng 20% development fund ni Kalibo Mayor Juris Sucro.
Samantala, sinabi ni Suñer na malaking tulong ang overpass sa mga pedestrians lalo na sa mga batang estudyante ng Kalibo Pilot Elementary School, Kalibo Elementary School at Kalibo Integrated Special Education Center para sa ligtas na pagtawid sa itinuturing na isa sa pinaka-abalang kalsada sa Kalibo.
Nabatid na upang mabigyang daan ang proyekto, nauna nang tinibag ang landmark na “Aloha” structure sa Mabini Street.