KALIBO, Aklan — Nadagdagan pa ang bilang ng mga pamilyang apektado ng pananalasa ng Habagat na pinaigting ng Bagyong Crising sa lalawigan ng Aklan.
Ayon sa report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Aklan, sumampa na sa 1,809 ang bilang ng mga apektadong pamilya o katumbas ng 6,562 na indibidwal.
Mula ito sa mga bayan ng Madalag, Ibajay, at Nabas na labis na naapektuhan ng sama ng panahon.
Nasa higit 14 pamilya o 47 na indibidwal ang nananatili sa mga evacuation centers habang 80 pamilya o 273 na indibidwal ang nasa labas ng mga evacuation centers o pansamantalang naninirahan sa kanilang mga kaanak.
Tuloy-tuloy naman ang paghahatid ng ayuda ng DSWD sa mga apektadong LGU kabilang ang pamamahagi ng family food packs.
Sa kabilang daku, umabot na sa 575 ang naitalang partially damaged na bahay habang nananatiling apat ang totally damaged.
Kabuuang P1.3 milyon ang naitalang pinsala sa imprastraktura at agrikultura sa Aklan.