Nagpaalala ang PhilHealth sa publiko na may inihanda itong medical benefit packages para sa mga karaniwang sakit tuwing tag-ulan, kasabay ng pagpasok ng tropical depression Dante na posibleng magpalakas sa habagat.
Kabilang sa mga tinutukoy na sakit ay ang W.I.L.D. diseases—water and food-borne illnesses, influenza-like illness, leptospirosis, at dengue—na tumataas ang kaso tuwing maulan dahil sa pagbaha at kontaminadong tubig.
Saklaw ng benepisyo ng PhilHealth ang hanggang ₱19,500 para sa dengue, ₱47,000 para sa severe dengue, ₱21,450 para sa leptospirosis, ₱11,300 para sa hepatitis A, at ₱11,700 para sa acute gastroenteritis.
Hinimok din ang publiko na agad kumonsulta sa doktor kapag nakaranas ng sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, pagsusuka, o pagtatae upang maiwasan ang komplikasyon.