Maaring kasuhan ang isang 17-anyos na dalagita makaraang palabasin nito na siya ay kinidnap sa pamamagitan ng “voice message” at humihingi ng tulong sa kanyang pamilya at group chat sa eskwelahan, subalit natuklasan noong huli na dumiretso ito sa bahay ng kanyang nobyo sa kasagsagan ng bagyo.
Dahil dito, nag-alala ang kanyang mga kaklase, mga kaibigan, kaanak, magulang at ang mga awtoridad.
Nabatid na ang insidente ay nag-trending nang kumalat ang kanyang ginawa sa social media.
Sinabi ng Davao City Police na dahil sa pagsisinungaling ay pinag-aaralan nilang kasuhan ang dalagita.
Nakita sa CCTV footage ang menor de edad na nakasuot ng school uniform at may dalang backpack bago iniulat ng kanyang pamilya na nawawala siya matapos hindi umuwi noong nakaraang Lunes, July 14, 2025.
Nabatid na nagpadala kasi ng voice message ang dalagita sa isang kaibigan na nagsasabing kinidnap siya at kailangan niya ng tulong. Dito na umano nataranta ang lahat sa paghahanap sa kanya.
Gabi ng Miyerkules, July 16, 2025, natagpuan ang dalagita sa Brgy. Bato, Toril, Davao City.
Sa pag-imbestiga ukol sa naganap na kidnapping, nahalata ng mga imbestigador na hindi magkakatugma ang mga kuwento ng dalagita.
Hanggang sa natuklasan na nakisiping lang sa nobyo sa bahay nito sa Barangay Maa ang dalagita kung saan doon natagpuan ang kanyang school uniform at backpack.
Kinumpirma rin ng ina ng lalaki ang nangyari at siya umano ang nag-udyok sa dalagita na umuwi na nang malaman na niya ang sitwasyon.
Pero imbes na dumiretso sa pag-uwi, nagtungo ang dalagita sa Barangay Bato at doon nagpasundo sa kanyang magulang.
Makikipag-ugnayan ang pulisya sa City Social Welfare and Development Office (CSWD) para makausap ang dalagita at ang mga magulang niya.
Pinag-aaralan ng mga awtoridad na magsampa ng alarm and scandal in relation to RA 10175 or the Anti-cybercrime Act dahil sa pangyayari.
Kasabay nito, nagpaalala ang Davao City Police sa publiko na huwag magpapakalat sa social media ng mga imbentong impormasyon. Via Remate