KALIBO, Aklan — Hinikayat ng Commission on Elections (Comelec)-Kalibo ang mga bagong voter registrants na iwasan ang last minute registration upang hindi na makipagsiksikan at walang extension ang itinakdang voter registration simula Agosto 1 hanggang 10, 2025.
Ayon kay Atty. Christian Itulid, election officer IV ng Comelec-Kalibo ito ay isang pagkakataon upang magkaroon ng tsansa na makaboto sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Disyembre 1.
Bukas ang registration para sa mga bagong botanteng may edad 15 pataas, gayundin ang mga gustong mag-update, magpa-reactivate o magkaroon ng correction ng impormasyon sa kanilang mga voters record.
Maliban dito, tumatanggap rin sila ng aplikasyon mula sa mga nawawala o natanggal ang pangalan sa listahan ng botante.
Kailangan lamang na magdala ng photocopy ng PSA Birth Certificate o anumang valid government-issued ID.
Paalala pa ni Atty. Itulid na hindi tinatanggap ang barangay certification bilang valid ID sa pagpaparehistro.
Sa registration period na itinakda ng komisyon, hindi tatanggapin ang mga request para sa local transfer sa loob ng bansa.
Ayon sa kanya na layunin nito na mabigyan ng prayoridad ang mga aplikasyon kagaya ng bagong rehistro, reactivation, at correction of entries upang maging maayos ang proseso.
Payo pa nito na huwag palampasin ang pagkakataon na magparehistro dahil karapatan ng bawat Pilipino ang bomoto at makibahagi sa eleksyon.