Walang inaasahang taas-presyo sa bigas ang Department of Agriculture (DA) sa kabila ng mga pinsala sa agrikultura dulot ng bagyong Crising, Dante, at Emong, maging ang epekto ng Southwest Monsoon o Habagat.
Ito ang sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa.
Iniulat ng DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center ang pinsala sa bigas, mais, cassava, high-value crops, pangisdaan, livestock and poultry, at agricultural infrastructure na lumobo na sa P1.12 bilyon sa 26,566 metriko toneladang dami ng production loss.
Naapektuhan din ng sama ng panahon ang nasa 45,408 magsasaka at mangingisda, maging ang 43,741 ektarya ng agricultural areas sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, at Soccsksargen.
Pinaka-apektado ang bigas sa halaga ng production loss na umaabot sa P664.36 milyon.
Sinundan ito ng pangisdaan sa P202.35 million, high-value crops sa P162.16 million, mais sa P55.70 million, livestock and poultry sa P8.37 million, at cassava sa P1.98 million.
Sa kabila nito, sinabi ni De Mesa na ang presyo ng gulay at isda ay maaaring tumaas ng “10% to 15%.”
Inaasahang ang Metro Manila ang pinakamapupuruhan ng price increase kung mangyayari man.