-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan — Umakyat na sa 6 katao ang iniulat na nasawi habang dalawang iba pa ang nawawala dahil sa epekto ng habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong sa Western Visayas, ayon sa Office of Civil Defense (ODC) Region 6.

Naitala ang anim na nasawi sa Iloilo na may tatlo, Guimaras na may dalawa, at Aklan na may isa, habang dalawa ang nawawala sa Antique.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil rin sa  malalakas na pag-ulan, pagbaha, at storm surge,  mahigit sa 350,000 ang inilikas sa buong Western Visayas noong nakaraang linggo.

Batay sa pinakahuling datos ng OCD na may petsang Hulyo 27, apektado ang kabuuang 93,088 pamilya o 350,442 katao dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyo kasama ang pinalakas na habagat.

Ang Iloilo Province ang labis na naapektuhan kung saan sa 562 barangay,  49,273 pamilya ang apektado o 193,853 katao.

Pumapangalawa ang Antique na may 28,684 pamilya o 94,551 katawo ang apektado sa 307 barangay.

Sa Aklan,  6,297 pamilya  o 22,852 katao mula sa 48 barangay ang apektado. Sa Capiz – 4,894 pamilya o 24,374 katao mula sa 26 barangay, Guimaras na may 3,940 pamilya o 14,812 katao mula sa 17 barangay.

Kabuuang 2,150 pamilya ang nananatili sa mga evacuation centers na tinulungan ng gobyerno.

Sa kabilang daku, iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), 46,283 pamilya na ang nabigyan ng tulong na nagkakahalaga ng ₱41.6 milyon.

Dahil rin sa pinsala ng bagyo, 1,660 paaralan sa rehiyon ang nagsuspinde ng klase noong Hulyo 25, na nakaapekto sa humigit-kumulang 523,015 mag-aaral, ayon sa Department of Education.

Nagdeklara ng malawakang suspensyon ng klase ang mga lokal na pamahalaan dahil sa pagbaha, hindi madaanan na kalsada, at banta ng landslide.