-- ADVERTISEMENT --

Umani ng papuri at suporta mula sa mga miyembro ng Kamara de Representantes ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa pagtutok nito sa pananagutan sa pamahalaan, serbisyong panlipunan, at kapakanan ng mga kanayunan.

Ipinahayag ng mga mambabatas ang kanilang pagsang-ayon sa mga hakbang para sa mas maayos na distribusyon ng kuryente at tubig, mas mabilis na pamamahagi ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa mga magsasaka, at elektripikasyon ng mga liblib na barangay.

Pinuri rin ang pagpapalawak ng benepisyo ng PhilHealth, kabilang ang isang taong dialysis coverage at mas mataas na pondo para sa kidney transplant. Kinilala rin ang pagpapalakas ng maagang edukasyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng dagdag na day care centers.

Samantala, sinang-ayunan din ng ilang kinatawan ang direktiba ng Pangulo na papanagutin ang mga nasa likod ng mga nawawalang sabungero, mga palpak na flood control projects, at mga tiwaling kontratista.

Itinuturing ng mga kongresista ang SONA bilang malinaw, makatao, at konkretong tugon sa mga pangunahing isyu ng lipunan gaya ng kahirapan, kalusugan, pabahay, at edukasyon — na nagbibigay pag-asa lalo na sa mga nasa kanayunan.

-- ADVERTISEMENT --