BORACAY, Island — Sa kabila ng pagbaba ng tourist arrival sa isla ng Boracay dulot ng pananalasa ng Habagat at mga nagdaang magkasunod na bagyo, umaasa pa rin ang Malay Tourism Office na maabot nila na ang target tourist arrival hanggang sa matapos ang buwan ng Hulyo.
Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office, nasa 118,621 ang naitalang tourist arrival hanggang noong Hulyo 21.
Sa nasabing bilang, 101,381 ang domestic tourist; mahigit sa 3,000 ang overseas Filipino at 14,022 naman ang foreign tourist.
Nakaapekto aniya ang Habagat season at ang mga nagdaang bagyo kung saan, nagdalawang isip ang mga turista na magpatuloy pa sa kanilang bakasyon para na rin sa kanilang kaligtasan.
Gayunpaman, umaasa pa rin sila na malampasan ang record noong nakaraang taon sa kaparehong period na nasa 183,755.
Kaugnay nito, kailangan aniya na umabot sa 5,000-6,000 ang daily tourist arrival hanggang sa matapos ang kasalukuyang buwan.
Positibo naman ang tourism office na maabot nila ang targeted tourist arrival ngayong taon.