-- ADVERTISEMENT --

Itinaas ng Department of Education (DepEd) sa ₱24,000 kada taon ang subsidy para sa mga guro sa pribadong paaralan, simula ngayong pasukan, sa ilalim ng GASTPE (Government Assistance to Students and Teachers in Private Education) program.

Inaprubahan ng State Assistance Council noong Hulyo 31 ang ₱6,000 dagdag o 33% pagtaas ng benepisyo para sa mga gurong kabilang sa Education Service Contracting (ESC) scheme. Sila ang nagtuturo ng hindi bababa sa tatlong oras kada linggo sa mga estudyanteng tumatanggap ng tuition assistance mula sa pamahalaan.

Sa isinagawang pirmahan sa Makati City, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang layunin ng DepEd na paliitin ang agwat ng benepisyo sa pagitan ng mga guro sa pribado at pampublikong sektor.

Ang GASTPE ay nakapaloob sa Republic Act 8545, na naglalayong palawakin ang tulong ng estado sa sektor ng pribadong edukasyon. Ayon sa 2023 survey ng Alliance of Concerned Teachers, mahigit 60% ng mga guro sa pribado ay kumikita pa rin ng mas mababa sa ₱27,000 entry-level salary ng mga guro sa pampublikong paaralan.