-- ADVERTISEMENT --

Posible ayon kay PISTON president Moody Floranda na dahil sa mga nagkaroon ng matinding batikos kung kaya’t hindi binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) ang sektor ng transportasyon partikular ang kinakaharap na hamon ng mga nasa traditional jeepney.

Aniya, halos siyam na taon nang naghihirap ang kanilang sektor mula nang inilunsad ang Public Utility Vehicle Modernization Program kung saan, nawalan sila ng kabuhayan at malaking kita para sana sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.

Hindi umano nila kaya ang milyon na halaga ng modernong jeepney na gaya sa nais ng gobyerno dahilan na patuloy silang umaapela sa pamahalaan na ibalik ang halos limang taong prangkisa gaya sa nakaugalian.

Marami aniya sa kanilang sektor ang hindi na pumapasada sa ngayon at nagshift na lamang sa iba pang pagkakitaan.