TANGALAN, Aklan — Parang eksena sa pelikula ang naganap na habulan sa pagitan ng mga pulis at hinihinalang drug suspect kasama ang kanyang buntis na live-in partner sakay ng isang motorsiklo mula sa Barangay Poblacion Tangalan hanggang Barangay Naisud, Ibajay, hapon ng Linggo, Agosto 3, 2025.
Nakuha sa posesyon at kontrol ng suspek na si alyas “Boy”, isang call center agent sa Iloilo ang P12,000 na buy-bust money at dalawang sachet ng pinaghihinalaang shabu.
Sa isinagawang body search, narekober sa live-in partner nito ang tatlong sachet ng suspected shabu na may estimated street value na P9,000.
Ayon kay P/Capt. Moonyeen de Joseph, hepe ng Tangalan Municipal Police Station, matapos ang palitan, agad na inaresto ng mga operatiba ang suspek, subalit agad nitong pinaharurot ang kanyang motorsiklo angkas ang live-in partner.
Dito na nagkaroon ng habulan hanggang sa ma-korner ang mga ito ng naka-abang na miyembro ng Ibajay Municipal Police Station sa nasabing lugar.
Dagdag pa ni de Joseph na malaking bagay ang limang minutong response time ng kapulisan, kung saan naging alerto at mabilis ang pagkilos ng mga ito.
Nabatid na noong 2016 ay nakasuhan at nakulong na ang dalawa kaugnay sa pagtutulak ng droga at kakalaya pa lamang ng mga ito.
Halos ilang buwan umanong isinailalim sa surveillance ang suspek dahil sa pagiging madulas nito.
Itinuturing itong High Value Individual at sakop ng kanyang operasyon ang Makato,Tangalan, Kalibo at Boracay.
Samantala, malaki ang pasasalamat ng pulisya na hindi humantong sa pagka-disgrasya ang pagtakas ng dalawa.
Ang mga ito ay mahaharap sa reklamong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng Tangalan PNP.