Ibibigay ang bahagi ng kinita sa July 28 charity boxing match na ginanap sa Rizal Memorial Coliseum sa Philippine Red Cross at Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabi ni Philippine National Police chief Police General Nicolas Torre III.
Ayon sa kanya, nakapag-bigay na siya ng P5 million sa Philippine Red Cross.
Ang natitira aniyang mga pera ay ibibigay sa DSWD, kung saan, balak itong i-convert na lang sa bigas.
Dagdag pa ni Torre, matapos ang boxing event ay nagawa nilang makapamahagi ng tulong sa 1,000 katao sa Tondo, Manila.
Ang nalalabing mga kinita sa laban ay gagamitin para sa relief operations sa iba pang lugar.
Sinabi ni Torre, mahigit P16 milyon ang nalikom sa charity boxing event na inorganisa para matulungan ang mga biktima ng Southwest Monsoon o Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong.
Matatandaan na idineklarang panalo si Torre sa laban kay acting Davao City mayor Sebastian “Baste” Duterte sa hindi pagsipot sa event.
Nag-ugat ang boxing match nang hamunin ni Duterte si Torre sa suntukan na kalaunan naman ay kinasahan ni PNP chief.
Kasunod nito ay humingi na ng kondisyon si Duterte at sa naitakdang araw ng laban ay biglang lumipad patungong Singapore.