Iminungkahi ng Department of Agriculture (DA) ang pansamantalang pagbabawal ng rice importation simula Setyembre 1 upang suportahan ang mga lokal na magsasaka sa kasagsagan ng anihan.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, layunin ng panukala na mapanatili ang patas na presyo ng palay sa gitna ng mataas na suplay ng bigas mula sa 2.5 milyong metriko toneladang imported rice at record-high na ani na 9.077 milyong metriko tonelada ngayong taon.
Ang mungkahing ban ay inaasahang tatagal ng 45 hanggang 60 araw, at sakop ang peak harvest season mula Setyembre hanggang Oktubre. Target nito ang pagpapanatili ng balanse sa presyo ng bigas sa merkado at kita ng mga magsasaka.
Batay sa datos ng PhilRice, ang presyo ng basang palay ay nasa PHP8.33–PHP17 kada kilo, habang ang tuyong palay ay PHP15–PHP22.
Pinapayagan ng Rice Tariffication Law (RA 11203) ang pansamantalang import ban kung may labis na suplay na nakaaapekto sa presyo ng lokal na ani.