KALIBO, Aklan — Umabot sa halos 7,000 aplikasyon ang naproseso sa unang apat na araw ng voters registration sa buong lalawigan ng Aklan.
Sa naturang bilang, kasama dito ang aplikasyon sa Sangguniang Kabataan at mga regular voters.
Ayon kay Chrispin Raymund Gerardo, tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec)-Aklan bumuhos ang mga registrants na karamihan ay mga bagong botante na pumunta sa iba’t-ibang Comelec Municipal Offices simula nang magbukas ang voters registration noong Agosto 1 hanggang Agosto 4.
Sa mga may edad 15 hanggang 17, naka-record sila ng 5,547 habang ang mga may edad 18 pataas ay nakapagtala ng 1,347 na bagong registrants.
Ilan pa umano sa pumunta sa tanggapan ng Comelec ay nag-apply para sa reactivation, correction of entries at iba pa.
Itinuturing naman ni Gerardo na matagumpay ang kanilang pakikipagtulungan sa mga paaralan para sa pagsasagawa ng satellite registration, kung saan, naging madali at magaan ang pagproseso ng mga junior and senior high school learners ng kanilang aplikasyon.
Samantala, naniniwala si Gerardo na maaring lalo pang bubuhos ang mga aplikante sa itinakdang huling araw ng voters registration sa Agosto 10, 2025.
Layunin aniya ng voters registration na ma-accommodate ang mga bagong botante at ang mga mag-a-update ng kanilang mga rekord bilang paghahanda sa 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.