Ipinahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang kanyang pagkabahala sa lumalawak na akses ng online gambling platforms, na aniya’y naglalagay sa mga kawani ng gobyerno sa panganib ng digital addiction kung walang malinaw na proteksiyon mula sa mga institusyon.
Nanawagan si Villanueva sa Civil Service Commission (CSC) na agad na maglabas ng updated at mahigpit na patakaran upang maprotektahan ang mga empleyado ng pamahalaan laban sa online na pagsusugal, lalo’t mas madali na itong ma-access kahit sa oras ng trabaho.
Bagaman ipinagbabawal na sa kasalukuyang alituntunin ang pagpasok ng mga kawani ng gobyerno at unipormadong personnel sa mga pisikal na pasugalan, iginiit ni Villanueva na kailangang isama rin sa pagbabawal ang mga online gambling platforms.
Nagbabala rin ang senador na ang pagkalulong sa online na sugal ay maaaring magpalaganap ng “get-rich-quick” mentality, magdulot ng korapsyon, at makaapekto sa pagiging produktibo ng mga empleyado sa pampublikong sektor.
Binigyang-diin niya na dapat maging halimbawa ang gobyerno sa pagprotekta sa kapakanan at integridad ng mga manggagawa laban sa banta ng pagsusugal sa digital na anyo.