-- ADVERTISEMENT --

BORACAY Island — Bumaba ng nasa 6 percent ang tourist arrival sa isla ng Boracay noong buwan ng Hulyo kung ihahambing sa datos na naitala sa kaparehong buwan ng nakaraang taon.

Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay-Boracay Tourism Office, posibleng nakaapekto dito ang Habagat season na pinalakas ng mga nagdaang bagyong Crising, Dante at Emong kung saan, ipinagbawal ang paliligo sa front beach.

Maliban rito may mga bisita na mas minabuti na lamang na hindi tumuloy sa kanilang bakasyon para na rin sa kanilang kaligtasan.

Gayunpaman, ang 6 percent na kakulangan ay maaari pa aniyang mahabol sa mga susunod na buwan dahil tuloy-tuloy naman ang pagsidatingan ng libo-libong mga turista sa Boracay.

Sa kabuuan ayon pa kay Licerio ay positibo pa rin ang kanilang tanggapan na maabot ang target tourist arrival para sa kasalukuyang taon.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na naitala ang kabuuang 172, 969 tourist arrival sa isla ng Boracay noong buwan ng Hulyo.

Sa nasabing bilang, 146,217 dito ang domestic tourist; 4,262 ang overseas Filipinos; at 22, 490 naman ang foreign tourist.