KALIBO, Aklan — Lumalabas sa autopsy report na nagtamo ng nasa 18 tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang 50-anyos na si Ibajay Vice Mayor Julio Estolloso matapos na pagbabarilin ng kaalyadong konsehal na si Mihrel Senatin sa loob ng kanyang opisina sa Sangguniang Bayan Session Hall, umaga ng Biyernes, Agosto 8, 2025 sa bayan ng Ibajay.
Ito ang sinabi ni P/Lt. Rezie Bulanon, Deputy Chief of Police ng Ibajay Municipal Police Station.
Sinasabing pinagbabaril ang biktima habang naka-upo sa kanyang swivel chair at tinadtad ng bala na tumama sa kanyang dibdib, kaliwang balikat, tagiliran at likurang bahagi ng kanyang katawan.
Tatlong mga basyo ng bala ang nakuha sa dibdib ng bise alkalde, isang indikasyon na binaril nang malapitan ang biktima.
Samantala, nagpositibo sa paraffin test ang suspek na si SB member Senatin na palatandaan umanong nagpaputok siya ng baril, subalit, nag-negatibo naman sa drug test.
Itinanggi naman ng pulisya ang napabalitang nakasuot ng bullet proof vest ang suspek nang maaresto sa kanyang tahanan.
Kasalukuyang nakaburol si Vice Mayor Estolloso sa kanilang bahay sa Brgy. Mangan, Banga, at nakatakdang ilibing sa Agosto 28.
Matatandaan na nagtungo ang suspek sa opisina para humingi ng kopya ng kaniyang mga ipinasang ordinansa, ngunit kalaunan ay nagtanong ito sa bise alkalde na, “Vice, ano ang saea kimo (ano ang kasalanan ko sayo)?” saka binaril ito ng makailang beses.
Lumalabas na may sama ng loob ang konsehal sa bise alkalde dahil sa pakiramdam na “left out” siya o binabalewala siya ng biktima.
Nadakip si Senatin sa kaniyang bahay at narekober ang Gloc 17 pistol na ginamit sa krimen, kung saan ang suspek ay may lisensya para magmay-ari ng baril.
Nahaharap ito sa kasong murder.