-- ADVERTISEMENT --

KALIBO, Aklan—Sa halip na ikatuwa, mas lalong ikinadismaya ng mga jeepney drivers and operators ang ipinatupad na rollback sa presyo ng produktong langis matapos na sentimo lamang ang ibinawas nito kung ihahambing sa mga naging price increase na umabot ng ilang piso.

Ayon kay Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda, nasa P360 pesos ang nawawala sa kanilang pang-araw-araw na kita kung saan, maghapon silang lumalagare sa lansangan dahil sa pakunti-kunti lamang ang ibinabawas kung ikukumpara sa itinataas sa presyo ng produktong langis.

Hindi aniya sapat ang kanilang inuuwing kita sa kanilang pamilya dahil sa mapapansin na halos bawat linggo ay gumagalaw ang presyo ng nasabing produkto sa pandaigdigang merkado.

Dagdag pa ni Floranda na naghihikahos na ang kanilang sektor kung kaya’t panawagan nila sa pamahalaan na suspindihin ang mataas na buwis sa produktong langis at dapat magkaroon ng bigtime oil price rollback ng nasa P10 pesos.

Sa ganitong paraan aniya ay mararamdaman nila ang pagmamalasakit ng gobyerno sa kanilang sektor gayundin maibalik ang nawawalang kita na makatulong sana sa kanilang pang-araw-araw na kailangan lalo na’t mahal ang mga pangunahing bilihin.

-- ADVERTISEMENT --