Umakyat sa PHP173.68 bilyon ang kabuuang benepisyong nailabas ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) mula Enero 1 hanggang Agosto 2 ngayong taon—mas mataas ng 86.39% kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Ayon sa ulat, naipamahagi ang nasabing halaga sa mga pampubliko at pribadong pasilidad pangkalusugan sa buong bansa. Umabot sa PHP102.04 bilyon ang natanggap ng mga pribadong ospital, habang PHP71.64 bilyon naman ang napunta sa mga pampublikong pasilidad.
Higit na mas mataas ang halagang ito kumpara sa PHP93.18 bilyong kabuuang bayad noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Itinuturing ng PhilHealth ang pagtaas ng bayad sa benepisyo bilang patunay ng kanilang pagtupad sa RISE 30 mission, na layuning maghatid ng serbisyong pangkalusugan na mabilis, inklusibo, ligtas, at pantay-pantay.