Nagbago ang posisyon ni Pangulong Donald Trump matapos ang kanyang pagpupulong kay Russian President Vladimir Putin, at iginiit na mas mainam na dumiretso sa permanenteng kasunduan sa kapayapaan kaysa sa tigil-putukan na “madalas hindi tumatagal.”
Sinabi ni Trump na ito ang pinakamabisang paraan upang wakasan ang digmaan ng Russia at Ukraine.
Inaasahang sasalubungin niya si Ukrainian President Volodymyr Zelensky sa Washington sa Lunes at hinimok itong tanggapin ang kasunduan.
Ibinunyag ng mga ulat na inalok umano ni Putin na makontrol ng Russia ang kabuuan ng Donetsk region kapalit ng pagtigil-labanan at ilang konsesyon.
Gayunman, mariing tinutulan ni Zelensky ang pagbibigay ng alinmang teritoryo, lalo na sa Donbas, dahil posibleng maging tulay ito para sa panibagong pag-atake ng Russia.
Nagpahayag ng pangamba ang ilang European diplomats na maaaring pilitin ni Trump si Zelensky na pumayag sa mga kundisyon na tinalakay nila ni Putin.
Ilang lider ng Europa gaya nina French President Emmanuel Macron at German Chancellor Friedrich Merz ay nanindigan na nasa Ukraine ang desisyon hinggil sa teritoryo nito, at iginiit na hindi dapat baguhin ang internasyonal na hangganan sa pamamagitan ng puwersa.
Samantala, inilarawan ni Putin ang Alaska summit bilang “kapaki-pakinabang,” habang nagpahayag naman ng pagkabahala ang ilang Ukrainians sa nakitang red carpet welcome para sa lider ng Russia.